"Hayaan mong bigyan na lang ng pagmamahal
Katulad ng sinadya ng Maykapal
Mahirap man o may kaya
Maputi, kayumanggi
At kahit ano mang uri ka pa
Sa 'yo ang mundo pag bata ka..."
-Linya mula sa awit ng Apo Hiking Society na "Bawat Bata".
photo credit by: Marc Anderson
Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata, ngunit masasabi ba nating ito'y naging makulay at masaya tulad ng ating inaakala?
Mga alaalang naglalaro sa ating isipan na nagdudulot ng ngiti ngunit ang iba ay pait at pighati.
Isang batang nakatira sa masayang tahanan, may masayang pamilya, mga kapatid, inang nag-aalaga, at amang nagsisilbing haligi ng tahanan.
Maliwanag, makulay, masaganang pamumuhay, iyan ang pangarap ng isang batang walang tahanan.
Kabaliktaran ng kanyang kalagayan na nahahamugan sa tabi ng daan.
Maingay magulo, madilim, mabaho't madumi ang kanyang nakasanayan.
Panganib ay 'di alintana habang siya ay naghahanap ng masisilungan na sa kanya ay pansamantalang magkakalinga.
Namulat sa isang mundong malupit kaya ang batang isipan ay napuno ng galit.
Pagnanakaw at paggawa ng krimen ang nakitang paraan upang ang kumukulong sikmura ay maibsan.
Nilason ng pangangailangan ang kanyang murang isipan.
Hindi naranasan ang kalinga ng magulang at ang tunay na kasiyahan na dulot ng kamusmusan.
Hindi lahat ng bagay ay may magandang nakaraan. Hindi lahat ay magagandang ala-ala na nais balikan.
Ngunit huli na nga ba ang lahat para sa isang bata na napagkaitan ng isang munting tahanan?
Imulat ang isipan at tumungin sa reyalidad ng buhay. Isipin ang maliit na tulong na sa kanila'y maibibigay.
Masayang tahanan at umaapaw na pagmamahal.
Huwag ipagkait ang munti nilang hiling na sana balang araw ligaya ay makamit.
Hayaang maglaro ang batang paslit.
Sapagkat ito ay ala-ala na hindi mawawaglit.
Bata rin ako at naging bata rin kayo.
Lahat ng ito'y ninais mo...
No comments:
Post a Comment